Monday, April 23, 2012

Sigaw sa Mayo 1: Regular na Trabaho, Umento sa Sahod, Mababang Presyo


Noong kalagitnaan ng Marso, sa harap ng isang pulong ng mga negosyante ay nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III na maging prayoridad ng mga kapitalista ang kagalingan ng mga manggagawa. Tinawag nating “Noy-ngaling” si PNoy dahil kabaliktaran ang kanyang salita ng kanyang gawa. Kung totoong tagapagtanggol ng karapatan at kagalingan ng manggagawa si PNoy ay dapat tinutulan sa halip na sinang-ayunan niya ang tanggalan at kontraktwalisasyon sa Philippine Airlines (PAL). Di lang Noynoying si PNoy kundi Noy-ngaling pa.

Ang darating na Mayo 1 ay ikawalang selebrasyon na ng Araw ng Manggagawa sa ilalim ni PNoy. Noong nakaraang Mayo 1 ay tinuligsa natin siya sa pagpanig sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL. Sa kasalukuyan ay dapat nating usigin ang kanyang administrasyon sa patuloy na pagsisinungaling at pagtatraydor sa interes ng manggagawa na pinangakuan niyang ituring na boss.

Ganunpaman, sa harap ng patuloy na pag-iilusyon ng maraming Pilipino sa pamumuno ni PNoy, kasabay ng matalas na propaganda ng pag-usig ay dapat mapakilos ang masang manggagawa sa kagyat na mga kahilingang dapat tugunan ng gobyerno.

Sa Mayo 1, ang ating kagyat na kahilingan ay proteksyon sa regular na trabaho, pagtaas ng sweldo, at pagbaba ng presyo ng kuryente’t langis. Ito ay mga kahilingang nakatuon sa gobyerno ni PNoy upang tugunan at aksyunan. Bukod dito, mangangalampag din tayo sa pagbabago ng patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Gayundin mananawagan tayo ng pagrereporma ng labor justice system.

Ang kampanya para sa regular na trabaho ay napapanatiling buhay ng patuloy na paglaban ng PALEA sa kontraktwalisasyon anim na buwan matapos ang tanggalan. Ang pagbenta ng minority share ng PAL sa San Miguel at pagpapalit ng management ay nagbubukas ng oportunidad para sa resolusyon ng labor dispute.

Pero di pa man nagtatagumpay ang PALEA na maibalik sa trabaho ang mga tinanggal ay naobliga na ang Department of Labor na maglabas ng kautusan kaugnay ng subcontracting. Pinahigpit ang mga rekisitos sa ligal na kontraktwalisasyon at hayagang kinilala na dapat tumanggap ng mga benepisyo ang mga kontraktwal at maari pang magtayo ng unyon. Ganunpaman, pinapanatiling ligal ng DO 18-A ang karamihan ng porma ng kontraktwalisasyon na sanhi ng pagkawasak ng regular na trabaho pati pagkadurog ng mga unyon.

Kumpara sa DO 18-A, hamak na mas mahigpit ang Security of Tenure (SOT) bill na nakasampa sa Kongreso at naglalayong limitahan ang laganap na kontraktwalisasyon. Gayong wala na sa kamay ni PNoy ang kaso ng PALEA, dapat pa rin siyang itulak na gawing priority legislation ang SOT bill.

Umiinit na naman muli ang usapin ng pagtaas ng sahod bunga walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, at kasunod nito ang pasahe’t iba pang batayang pangangailangan. May nagsampa na ng petisyon sa regional wage boards. Sa kabilang banda, nakaamba na ipasa ng House Labor Committee ang panukalang legislated across-the-board wage hike. Malayo pa bago ito maipasang batas pero binibigyang diin nito ang kakagyatan ng umento sa sahod.

Tinanggihan na ni PNoy ang pagtaas ng sahod sa katwirang walang supervening event o grabeng inflation. Ang ganitong Noynoying o kawalang aksyon ni PNoy ay dapat mabatikos habang ineengganyo ang pagkakaisa ng labor groups sa pagsusulong ng pagtaas ng sahod sa anumang porma ito makakamit.

Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay mangangahulugan na ibayo pang magliliyab ang usapin ng oil price hike. Pero di ibig sabihin nito na walang magagawa si PNoy kundi mag-Noynoying sa harap ng umaarangkadang global oil prices. Ang pagtatanggal ng VAT sa mga produktong petrolyo ay isang kagyat na hakbang na maaring isagawa. Ang pagrerepaso ng oil deregulation law ay isa na ring buhay na usapin at maaring igiit ang pagbabalik ng price control sa langis bukod sa pagsasabansa ng Petron.

Katulad ng mataas na presyo ng langis, ang mahal na gastusin sa kuryente ay isang ring mabigat na pasanin ng manggagawa at maralita. Ipinagkikibit-balikat lang ng gobyerno ang problemang ito habang tinitiis ng taumbayan ang pasakit na ito. Oras nang repasuhin ang EPIRA o ang deregulasyon at pribatisasyon ng power industry.

Ang deregulasyon at pribatisasyon ng langis at kuryente ay mga matingkad na halimbawa ng delubyong dala ng globalisasyon. Sa kabilang banda, ang liberalisasyon ng ekonomiya ay nagresulta sa pagsasara ng umaabot sa 3,000 empresa bawat taon sa nakalipas na isang dekada at pagkawala ng trabaho ng daan-daang libong manggagawa. Ang hatid ng globalisasyon ay pagguho ng lokal na industriya at agrikultura sa halip na progreso at pag-unlad. Malinaw na ngayon na perwisyo kaysa benepisyo ang dulot ng imperyalistang globalisasyon. Panahon nang ibandila ang panawagan ng pagbabago ng pang-ekonomiyang patakaran.

Kasabay nito dapat maibando ang pagrereporma ng labor justice system. Ang mapait na kapalaran ng flight attendants ng PAL ay nabigyang pokus ng impeachment trial ni Chief Justice Corona. Kapalit ng platinum card ay inimpluwensyahan ni Corona ang pagbawi ng paborableng desisyon sa kaso ng FASAP.

Isang matingkad na halimbawa lang ito kung paano nabibili ng mga kapitalista ang mga husgado at nababaluktot ang hustisya. Kung ang bilyunaryong gaya ni Lucio Tan ay nagagawang impluwensyahan ang Chief Justice ng Korte Suprema, ganundin namamanipula ng mga kapitalista ang arbiters ng NLRC, mediators ng DOLE/NCMB at judges ng mga RTC at Court of Appeals. Di nakakagulat na ang ordinaryong manggagawa ay napipilitang i-areglo ang mga kaso kapalit ng barya kasya mabitag sa mga pasilyo ng labor justice system.

Ang labor unity na nagkahugis sa laban ng PALEA ay maaring punla ng pagkakaisa para isulong ang mga kagyat at pangmatagalang kahilingan. Ang kampanya sa Mayo Uno ay ekstensyon at kontinwasyon ng laban kontra kontraktwalisasyon. Ang malawak na pagkakaisa ng kilusang paggawa ang magbibigay pwersa at magbabasbas ng kredibilidad sa kampanyang Mayo Uno.

Maaga nang nasimulan ang kampanyang Mayo Uno sa pamamagitan ng Kalbaryo ng Manggagawa at Maralita. Pero di dapat magtapos ang kampanya sa isang pagkilos sa Mayo Uno. Ang mga kagyat na kahilingan ay di basta maipapanalo sa Araw ng Manggagawa. At di rin dapat magkasya sa simpleng pagsisigaw ng mga islogan sa Mayo Uno. Ang susunod na yugto at lundo ng laban ay ang pagbubukas ng Kongreso sa Hulyo at SONA ni PNoy. Ang mga kahilingang nangangailangan ng executive action ni PNoy ay maaring ang pokus ng Mayo Uno samantalang ang ibang obligado ang legislative measures ay maari namang tutukan sa SONA.