June 26, 2012
Ang mga manggagawang myembro ng Partido ng Manggagawa ay susugod bukas ng umaga sa opisina ng Central Bank at Department of Finance sa Roxas Boulevard sa Maynila upang batikusin ang planong $1 bilyong pautang ng Pilipinas sa International Monetary Fund (IMF). Ang pautang ay para diumano sa Euro crisis pero nag-aaakusa ang Partido ng Manggagawa na gagamitin ito ng IMF para magpataw ng kontra-manggagawang austerity schemes sa Europa.
“VIP treatment kay PNoy ang mga bankero sa Europa na makikinabang sa $1 bilyong pinagpawisan ng ating OFW’s. Samantala deadma lang si PNoy sa hinaing ng manggagawang Pilipino noong Mayo Uno para sa dagdag sahod at trabahong regular,” giit ni Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa.
Paliwanag ni Gerry Rivera, pangulo ng unyong Philippine Airlines Employees Association (PALEA), “Ang mismong pagtutol sa utang ang paraan para tumulong sa mga taga-Europa sapagkat magiging biktima lang sila ng mga dikta ng IMF gaya ng pagkaltas sa sweldo, pagbabaklas sa proteksyon sa paggawa, pagsasapribado ng mga kompanya at pagtitipid sa mga serbisyo publiko. Ang IMF ay manunuba di manunubos.”
Sasama sa rali bukas ang mga miyembro ng PALEA na nasa ika-10 buwan ng kanilang laban kontra kontraktwalisasyon sa PAL. Nananawagan ang PALEA sa bagong management ng PAL sa pangunguna ni Ramon Ang ng San Miguel Corp. na ibalik ang mga regular na manggagawa upang makalipad muli ng maayos ang flag carrier ng bansa.
Dagdag ni Magtubo, “Pakikiisa hindi pautang ang tamang pagtulong sa mamamayan ng Europa. Sinusuportahan namin ang sigaw ng mga manggagawa ng Europa para sa growth sa halip na austerity, ibig sabihin, umento sa sahod, regular na trabaho, serbisyong panlipunan at pagbubuwis sa mayayaman upang ibangon ang ekonomiya ng mga bansang sadlak sa krisis gaya ng Greece, Spain, Portugal, Ireland, Italy at Cyprus. Sa katunayan ganitong patakaran din ang dapat ipatupad ni PNoy sa Pilipinas.”