Monday, November 14, 2011

Dapat Malaman sa Isyu ng PALEA


Pagpapaliwanag ng PALEA Position




Ano ang gusto/hiling ng PALEA?


Ang gusto ng PALEA ay manatili ang aming regular na trabaho sa PAL sapagkat ito ang magtitiyak ng kinabukasan ng aming mga pamilya. Hiling ng PALEA sa PAL na itigil ang planong outsourcing at kontraktwalisasyon habang hinihintay ang final decision of the courts [mas madaling intindihin ang pormulasyong ito kaysa legal term na final judicial resolution]. Sa ngayon ay nasa Court of Appeals ang kaso.
Sa kaso ng 1,400 flight attendants, last September ay nadesisyunan ng Supreme Court with finality na illegal ang dismissal ng PAL sa kanila noong 1998. Justice delayed is justice denied. Ayaw ng PALEA na mangyari ito sa amin. Kaya dapat wala munang tanggalan habang umaandar ang kaso. Kung sakali namang matalo sa kaso ay tatanggapin ito ng PALEA.
Handa bang makipag-ayos ang PALEA?  
Paulit-ulit na nananawagan ang PALEA sa PAL na buksan ang pag-uusap para malutas ang kaso. Sa ngayon ang PAL ay patuloy na sarado sa usapan. Simple lang ang kailangan para matapos ang dispute o problema—pabalikin ang tinanggal na 2,600 PAL employees para maging normal uli ang flights ng PAL. Samantala antayin ng PAL at PALEA ang resulta ng kaso sa korte kung tama o mali ang outsourcing.
Hindi ba’t ang PALEA strike ang sanhi ng flight disruptions?  
Hindi nag-strike ang PALEA, naka-lock-out ang PALEA members. Ayaw kaming papasukin ng PAL sa airport at offices. Nang magprotesta sa airport ang PALEA, sa halip na makipag-ayos ng PAL, nagcancel agad ito ng flights.
Mula nang pwersahang paalisin ang PAL employees noong September 27 (Martes) ng gabi hanggang madaling araw ay mga replacement workers o iskirol na ang nagtatrabaho sa PAL. Hindi kaya ng mga iskirol na palitan ang trabaho ng mga tinanggal kaya’t disrupted at cancelled ang flights. Ang failure ng outsourcing plan ang dahilan ng patuloy na flight cancellations at delays.
Bakit nag-strike ang PALEA?  
Hindi strike kundi protesta ang ginawa ng PALEA. Pansamantala kaming tumigil ng trabaho noong umaga ng September 27 (Martes) upang ipakita sa PAL na solid ang defiance sa napipintong tanggalan at pilitin ang PAL na makipagkasundo. Immediately after ng protesta, sa halip na makipag-ayos ang PAL, ay nag-decode ang kompanya ng computer systems kaya’t di na makapagtrabaho ang employees at matapos ang ilang oras ay pwersahan nang kaming pinaalis sa airport at offices. Kaya lock-out hindi strike ang naganap.
Sandal na sa pader ang PALEA. Dalawang taon na kaming nananawagan sa PAL at lumalaban sa iba’t ibang paraan para mapigilan ang tanggalan at kontraktwalisasyon. Ang protesta ang nalalabing paraan para i-defend ng PALEA ang regular na trabaho.
Bakit nagprotesta ang PALEA sa gitna ng bagyo at pinerwisyo ang mga pasahero?  
Hindi sinadya ng PALEA na magprotesta sa gitna ni Pedring dahil hindi naman kayang hulaan kailan darating ang bagyo. Kailangan nang magprotesta ng PALEA dahil wala pa man ang effectivity date ng termination noong September 30 ay pinapalitan na ang regular employees at pumapasok na ang replacement workers. Inamin na rin ng PAL, sa isang memo na binigay sa DOLE, na September 19 pa lang ay start na sila ng implementation ng outsourcing sa halip na October 1. Ito ang dahilan kung bakit kinailangang magprotesta ang PALEA noong September 27.
Bakit hindi nag-notice ang PALEA na magprotesta ito upang di naabala ang pasahero?  
Pauli-ulit na nagsabi ang PALEA na magsasagawa ito ng protesta na magpa-paralyze sa oeprations ng PAL. Wala yatang naniwala sa announcement ng PALEA. Laluna’t lagi itong sinasagot ng PAL na huwag mag-alala ang mga pasahero dahil walang flight disruptions na mangyayari. Pero noong nangyari na ang protesta ng PALEA, PAL pa ang kusang nag-cancel ng flights.
Humihingi ng pag-unawa ang PALEA sa publiko sa anumang inconvenience na dulot ng protesta. Ang ipinaglalaban ng PALEA ay aming trabaho at kinabukasan ng aming pamilya. Anumang abala sa publiko ay temporary lang. Kapalit naman nito ay safe and efficient service na tanging matitiyak lang ng regular hindi kontraktwal na manggagawa.
Hindi ba economic sabotage ang ginawa ng PALEA?  
Ang saklaw ng economic sabotage ay mga kaso ng illegal recruitment, syndicated estafa, at black market operation. Hindi kasama sa economic sabotage ang labor disputes. Kahit ang sinasabing CAAP Law ay nagbabawal sa disruption ng airport services at facilities pero hindi paralyzation ng airline operations. Magkaibang bagay ang airport at airline. Pinapayagan ng Labor Code ang protests at strikes ng private sector workers kahit pa public utilities. Pinapayagan ito ng batas sapagkat kinikilalang karapatan at legitimate ang mass action bilang paraan para pwersahin ang kompanyang makipag-ayos kung may grievance o reklamo.
Naiintidihan namin ang kalagayan ng PALEA members pero sana di na kayo nag-strike o nagprotesta  
Salamat sa lahat ng nakakaunawa sa sitwasyon ng PALEA members na mawawalan ng trabaho at planong gawing kontraktwal na manggagawa. Pero hindi awa kung pag-unawa ang hiling ng PALEA. Kung naniniwala kayong mali ang ginawa ng PAL sa amin, dapat kasabay ninyong maintindihan na tama ang ginawang protesta ng PALEA. Sapagkat inaapi ang PALEA members, karapatan ng PALEA na magsagawa ng protesta. Walang makapagpapalambot sa pagmamatigas ng PAL kundi ang protesta ng PALEA at pakikiisa ng taumbayan.
Hindi ba’t malulugi o bababagsak ang PAL kundi nito gagawin ang outsourcing? Hindi ba mas mabuti nang magsakripisyo ang 2,600 employees kaysa mawalan ng trabaho ang 5,000 pang nalalabing manggagawa?  
Black propaganda at blackmail lang ito. Hindi totoong pagbagsak o nalulugi ang PAL. Nitong huling fiscal year 2010-11 ay may net income ang PAL na $72.5 million o lagpas P3 bilyon. Labas pa ito sa $46.5 million o P2 bilyong utang na nabayaran noong June 2010. Kahit ngayong taon ay mas projection ang PAL na kikita kahit pa mas maliit kaysa last year. Si Lucio Tan ang second richest Filipino at ang net worth niya ay mas malaki pa ngayon kumpara noong nakaraan, bunga na ito ng magandang kita ng PAL.
Hindi ba pwedeng magsakripisyo ang PALEA para di bumagsak ang PAL?  
Hindi nalulugi o pagbagsak ang PAL pero ganunpaman handa ang PALEA sa isang collective bargaining agreement or CBA na makipag-usap sa PAL sa mga measures para mapaganda pa ang kompanya.
Matagal nang nagsakripisyo ang PALEA. Mula 1998 ay walang bagong CBA negotiations kaya’t wala halos increase ang wages and benefits sa loob ng 13 years. Bunga ng sakripisyong ito ay narehabilitate ng mas maaga sa plano ang PAL. Pero noong 2009, sa panahong dapat ay magkaroon na ng bagong CBA negotiations, tsaka nag-announce ang PAL ng outsourcing. Tanggalan ang reward ng PAL sa sacrifice ng PALEA.
Hindi ba’t makakatanggap naman ng magandang separation offer ang PALEA?  
Regular na trabaho hindi separation pay ang ipinaglalaban ng PALEA. Kapag pumayag ang PALEA members na matanggal at maging kontraktwal ay hindi na namin kayang buhayin nang disente ang aming mga pamilya.
Hindi ba ligal nang isagawa ng PAL ang outsourcing dahil may desisyon na?  
Kinampihan ang PAL ng DOLE at ng Office of the President na pwede itong mag-outsourcing. Pero ang proseso ng batas ay hindi pa ito agad maaring ipatupad sapagkat maari pang isampa ang kaso sa Court of Appeals at Supreme Court. Sa ngayon ay nakasampa ang kaso ng PALEA sa Court of Appeals at hiling ng PALEA na huwag ipatupad ang outsourcing hangga’t walang final decision ang korte.
Hindi pwedeng double standard ang PAL na kapag panalo ito sa kaso ay agad magpapatupad pero kapag talo ito ay iaappeal pa korte bago sumunod. Sa kaso ng flight attendants, pinaaabot ng PAL ang kaso sa Supreme Court at dalawang beses pa itong nag-motion for reconsideration. Sa dulo ay nagdesisyon ang Supreme Court with finality na illegal ang dismissal sa 1,400 flight attendants.
Ano ang outsourcing plan ng PAL?  
Ang plano ng PAL ay tanggalin ang 2,600 employees sa tatlong departments—airport services, inflight catering at call center reservations. At ililipat kami sa tatlong service providers—ang Sky Logistics, Sky Kitchen at SPI Global. Ibig sabihin ang regular employees ng PAL ay gagawing kontraktwal sa mga providers or agencies.
Ano ang epekto sa PALEA members ng planong outsourcing?  
Malaking sakripisyo at perwisyo ang magiging epekto ng outsourcing at kontraktwalisasyon. Babagsak ang sweldo, mawawalan ng benepisyo, wala nang kasiguraduhan sa trabaho at wala na ring unyon na boses at proteksyon ng manggagawa.
Bilang halimbawa, ang isang PAL senior reservations agent ay kasalukuyang tumatanggap ng P22,400 in salaries at allowances. Kapag lumipat siya sa SPI Global, P10,000 na lang ang sweldo niya. Ang isang master mechanic ng PAL, kapag lumipat sa Sky Logistics ay papaswelduhin na lang ng P11,111.50.
Sasahod ng mas mababa pero magtratrabaho ng mas mahaba. Sa service provider ay 8 hours per day at 6 days a week ang trabaho. Kumpara ito sa 7.5 hours per day at 5 days a week sa PAL.
Ang isang PAL employee na 20 o 30 years ang work experience, kapag lumipat sa service provider ay gagawing probationary for 6 months! Walang kasiguruhan ang trabaho sa service providers sapagkat contractual ang status.
Nangyari na ito sa 55 newly-hired customer service agents ng PAL na kinuha nitong June at July para sa 6-month contracts. Pero ngayong buwan ay biglaan silang na-terminate ng PAL. Sa isang iglap ay wala na silang trabaho, wala nang sweldo, wala nang pagkain sa lamesa ang kanilang pamilya.
Walang manggagawa ang mabubuhay ng disente sa sahod, benepisyo at working conditions ng isang kontraktwal. Hindi makakasabay ang aming sahod sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Hindi na namin mapapag-aral ang aming mga anak. Wala kaming pagkukunan kapag may nagkasakit sa aming pamilya. Walang kaming kinabukasan at dangal sa trabahong kontraktwal.
Bakit nilalabanan ng PALEA ang outsourcing plan ng PAL?  
Tutol ang PALEA sa outsourcing plan dahil ito ay isang scheme para sa kontraktwalisasyon ng mga manggagawa at pagbuwag ng unyon. Tatanggalin ang 2,600 PAL employees at gagawin kaming contractuals sa service providers or agencies. Madudurog din ang unyon dahil 70% ng members at 62% ng leaders ang matatanggal. Kapag natanggal ang 2,600 ay siguradong kasunod na rin ang natitira pang 900 na maiiwang PALEA members.
Nag-announce ang PAL ng outsourcing plan noong 2009, sa panahong dapat ay magsimula na ang bagong CBA negotiations. Ibig sabihin, bad faith o may masamang balak ang PAL na umiwas lang sa CBA at madurog ang PALEA.
Hindi ba’t ang departments to be outsourced ay non-core kaya ok lang?  
Palusot lang ng PAL ang tawaging non-core services ang tatlong departments to be outsourced—airport services, inflight catering at call center reservations. Baluktot na katwiran ng PAL na ang business daw nila ay flying kaya’t di kailangan ang departments na ito. Kung di pala kami kailangan, bakit ngayon ay di makapag-operate ng maayos ang PAL?  Essential and necessary sa operations ng PAL ang trabaho ng PALEA members at di dapat i-outsource.
Hindi ba’t global trend na ang outsourcing?  
Totoong global trend ang outsourcing at kontraktwalisasyon. Pero totoo din na global trend ang defiance sa outsourcing at kontraktwalisasyon. Kahit saan sa mundo, nilalabanan ng manggagawa ang kontraktwalisasyon. Example lang, sa ngayon ay naka-strike ang Qantas airline workers ng Australia dahil sa outsourcing. Sa Egypt at Tunisia, ang spark ng revolutions sa Arab countries, hiling ng manggagawa ang regular na trabaho, ayaw nila ng contractual status. Sa Europe at US ay madaming protests at general strikes laban sa contractualization.
Ang global trend sa kontraktwalisasyon ang isang factor sa pagputok ng global recession. Dahil sa kontraktwalisasyon, bumagsak ang kabuhayan ng mga manggagawa at wala na silang pambili ng mga pangangailangan sa buhay. Sobrang daming produkto pero walang pambili ang mga tao. Tuloy nagka-krisis. Regular na trabaho ang kailangan para sa maganda ang takbo ng ekonomiya bukod sa maganda ang buhay ng manggagawa.
Bakit sinasabing ang laban ng PALEA ay laban ng lahat?  
Ang pagtutol sa kontraktwalisasyon ay laban ng lahat ng manggagawa. Hindi lang ipinaglalaban ng PALEA ang kinabukasan ng aming pamilya. Ito ay isang laban para sa lahat ng manggagawang Pilipino.Kapag natuloy ang kontraktwalisasyon sa PAL, gagayahin ito ng iba pang mga kompanya. Pero kapag napigilan ang outsourcing sa PAL, simula na ito ng pagbaliktad sa maling kalakaran ng kontraktwalisasyon.